I chose to let sadness stay for a while to find out what it’s got for me. Ultimate echos!

tatlong beses ko ng pinupunasan ang suot kong salamin. kasabay nito ang pakikinig sa kanta ng Shirebound and Busking. kanina lamang ay nagkakalkal ako ng mga lumang short story anthologies na napulot ko kung saan-saan sa internet at pinrint para sa future consumption — karamihan ay hindi ko pa nababasa. heto ako ngayon nagpapatalun-talon na naman sa internet at kung kani-kaninong blogs para mamulot ng mga akda. nangangati na akong basahin itong mga Palanca entries/winners na inipon ko pero pinipigilan ko ang aking sarili dahil naka-schedule ito sa pag-uwi ko sa Batangas sa susunod na linggo.

 

wala ako maikuwento sa iyo kasi sa sobrang dami ng naganap noong nagpaka-idle muna ako sa pagbablog eh hindi na malinaw sa akin ang bawat detalye. susubukan ko. sabi kasi sa horoscope mo ay interasado ka sa buhay ko.

 

nag-umpisa na ako sa bagong show. isang beses isang linggo ang taping namin. ito ang major reason kung bakit nawalan ako ng panahon. inuubos nito ang oras at lakas ko. ito rin ang pumipigil pa sa aking umalis sa telebisyon kahit pa nakapagpa-press release na ako ng pag-alis. kasabay din nito ang pagbitaw ko sa ilang shows ko. hindi madaling desisyon dahil itong show na iniwan ko ang umampon sa akin dati noong medyo tinamad na akong mag-PA sa production.

 

bumili ako ng tatlong cactus. nadaanan ko ang isang matandang babae sa may overpass ng Altura na naglalatag ng mga paninda niyang halaman. singkwenta isa. napilit na rin ako dahil matagal ko na rin naman gustong magkaroon ulit ng ganito matapos mamatay sa pagkalunod ang dati kong mga tanim. nakita ito ni Ermats noong lumuwas siya. sabi niya swerte raw ang mga nanganganak na cactus. taliwas ito sa paniniwala ng iba malas daw ito dahil iiyak nang iiyak ang taong nag-aalaga ng cactus dahil sa mga tinik nito. mas gusto kong paniwalaan si Ermat. kaso kinabukasan, base sa resulta ng lab test ni Ermat, lumala ang kondisyon ng sakit niya sa lalamunan. isinisi ko sa mga cactus. ilang araw na kasi akong umiiyak dahil sa balitang iyon. hindi pa naman ako nasisiraan ng bait para talaga isisi sa isang walang kamalay-malay na halaman ang sakit ni Ermat. sadyang kailangan ko lang ng pwedeng paglipatan ng lahat ng lungkot at sakit. ilang linggo ko ng hindi dinidiligan ang mga kawawang cactus. pero heto at buhay na buhay sila, lumalaban. kaya siguro nakwento ni Ermat na suwerte ang mga halamang ito. dahil may itinuturo sila sa iyo.

 

sa susunod na linggo ay fiesta sa amin. uuwi ako. sayang at hindi na makakapunta ang ilang kaibigan sa hayskul tulad noong isang taon. conflict sa mga schedule. sa totoo lang pinauuwi ako ni Ermat eh. kuhanan ko raw ng picture yung kapatid kong magsasagala. unang fiesta namin ito na medyo maghahanda kami. medyo nakakaraos na eh. iyong mga una ay talagang hikahos. kaya hindi rin ako madalas nag-iimbita. ang totoo niyan, kung hindi nga lang konsehal ng barangay si Erpat dati, malamang ay magkulong na lang kami sa bahay noon sa probinsya. pero dahil obligado si Erpat magpakain ng isang bulto ng mga musikerong paparada sa barangay dahil iyon ang natoka sa kanyang trabaho, wala kaming choice kundi magdilehensya. kaya bilib na bilib ako sa nanay at tatay ko kung paano nila nadidiskartehan ang taon-taong fiesta sa amin eh. o mas nakakabilib kung paano sila maglihim sa amin kung magkano ang nautang nila para sa puchero, kaldereta, menudo, murkon at minatamis na nginangasab ng isang bulto ng musikerong iisa naman ang piyesang tinutugtog. sabi ni Ermat ayos lang naman daw iyon dahil ang paghahanda ay pagpapasalamat sa hindi ko na maalalang santo/santa. ngayong taon, napakaraming dapat ipagpasalamat (maliban sa sakit ni ermat), kaya maghahanda kami.

 

ilang buwan na rin palang sa amin tumutuloy si Tita Amy. napakasaya ko kahit gabi-gabi ay hindi ko alam kung ano ang dapat ipaulam sa kanya dahil medyo marami siyang restrictions sa pagkain. pero sabi naman niya ay huwag na namin siyang intindihin. paano ko naman gagawin ang hindi pag-intindi gayong napakalaki ng naitulong niya sa akin at sa aming magkakapatid. sa kanila ako nakitira noong unang tatlong taon sa kolehiyo. at saka natatandaan kong sila ni Tiya Gina ang sumama sa akin nung mag-entrance exam ako sa PUP noon. umabsent pa nga yata siya noon sa trabaho. tapos siya rin ang isa sa nagparanas sa akin makapasok sa sinehan noong bata pa. napakalaki ang naiambag noong karanasan na iyon sa kagustuhan kong pasukin ang paggawa ng pelikula, or atleast sa telebisyon kung nasaan ako ngayon. nagtatrabaho kasi sa ngayon si Tiya Gina, asawa niya, sa Cebu. minsan na lang makauwi. at wala siyang kasama sa bahay sa Bagong Ilog. kaya dito siya umuuwi sa apartment namin na malapit lamang naman sa hotel na kanyang pinagtatrabahuhan. nakagagaan ito ng pakiramdam sa akin lalo pa’t pakiramdam ko ay pagbawi ito sa napakarami kong utang na loob sa kanilang dalawa ng Tiya Gina. kulang pa ito sa totoo lang. kahit pa may mga trabaho na kaming dati niyang alaga, hindi pa rin siya nakakalimot umuwi sa bahay na may bitbit na pasalubong at kwento.

 

gustong-gusto ko na talaga magpa-tats. noong isang buwan ko pa niyayaya si Jam eh. noong una siya ang namimilit sa akin tapos biglang tumiklop na noong niyaya ko last week. kaya naudlot na naman ang plano namin. gusto ko na kasi talagang gawin hanggat matapang pa ako at hanggat may pera pa akong panlibre kay Ermat kung sakaling sermonan niya ako pag nakita na kung ano ang ginawa ko. nakikinita ko na, “Totoo ga iyan? Ah Ah! Ano ga naman iyang ginawa mo sa sarili mo?”. ganyan na ganyan. nagtatanung-tanong na rin ako ng ilang shops at artist kung magkano ang magpagawa sa kanila (dahil nga tapos na yung promo na dapat ay pupuntahan namin Jam dahil sa paudlot-udlot na pagdedesisyon). naghahanap din kasi ako ng mura. maliit lang naman ang ipapalagay ko sa balat. may disenyo na ako. napulot ko lang sa internet. pero pakiramdam ko talaga dinisenyo iyon para sa akin eh. sobrang daming meaning na agad ang na-derive ko sa disenyong iyon. ikukuwento ko kapag natuloy na. at kapag nayaya/napilit ko na ulit sa Jam. gusto ko rin kasi siyang makasama sa first time na ito dahil si Jam ay ispesyal at malupet na kaibigan. kapag inalala ko ang pagkakataon na ginawa ko iyon, gusto kong maalala na ginawa ko iyon kasama siya. sa dami na ba naman ng kwentong tawanan at iyakan ang napagdaanan namin. eh gusto kasi ni bakla pilitin ko rin si Hener, isa rin naming malapit at malupit na kaibigan. eh may press release na nga si Hener na hindi raw siya pwede magpa-tatts dahil sabi ng kanyang dermatologist (NAKS) eh sensitibo ang pagkatao niya. de joke, ang balat lang niya. hindi ko alam kung totoo ba iyon o nag-iinarte lang o takot lang sa erpat niya. so ewan ko kung paano ko magagawaan ito ng paraan. baka pag bigla na lang ako tinamaan ng saltik eh bawiin ko na lang lahat ng nasabi ko tungkol kay Jam at magpatattoo ako bigla-bigla. “Hi ‘Nay, surprise!”.

 

at saka pala, Cine Europa na ulet!

nakakamiss din pala pumoste dito. nakaka-senti. nabibigyan ka ng panahon magmuni-muni at isipin kung ano na nga ba ang nangyari nitong nakaraan. ika nga nila, melancholy is a cheap narcotic. tangina baka matokhang, narcotic pala. hindi naman masama mag-inarte paminsan-minsan. mas masama mag-videoke ng alas tres ng madaling araw dahil para sa pagsesenti ang oras na iyon. sa mga ganitong pagsusulat at pagbabaliktanaw ka magkakaroon ng oras sa sarili mo. oras para ma-realize na tambak na pala ang labahin mo at hindi ka pa nakakapagdilig ng halaman.

 

sino ba ang nagpauso ng kasabihang dapat tuloy-tuloy lang sa buhay?

dapat humihinto rin tayo.

2 comments

  1. jam manahan · September 18, 2017

    Hayaan mo unti unti na akong dumedelihensiya ng pangpatattoo… konti na lang baka maipon ko na ang sapat na pangbayad ko para sa artist. Pag hindi eh papainstallment ko na lang ang pagpapatattoo. Outline muna baka mura mura. Hahaha.

    Anyhoo mas masama ang pagsapit ng alas tres dito sa amin oras iyon ng pag atake ng mga kawatan. 😦

    • greenhimbuburutok · September 19, 2017

      ayaw ko na abutan ng alas tres ng madaling araw sa inyo. haha.

Leave a comment