Ano ang kulay ng paglimot?

Isasalin ko sana sa bughaw na nadarama

Naghahabi ng paghilom

Buhay natin ang tema

Alaala ang tinta.

NAALIMPUNGATAN

Lasang karton ang panaginip ko — walang nutritional value; hindi puwedeng i-prescribe ng beterinaryo; amoy natuyong tubig-alat sa dagat; parang paos na hikbi; mga panaginip na walang paggising. Walang pupuntahan. Naliligaw. Hindi gumagalaw.

 

***nakita sa lumang notebook, April 5, 2012. 

MAY MGA PAGDALAW NA WALANG PAGLISAN: An unsent letter to Dyepoi.

 

17690203_1900416563317659_66303954_n

seryoso ang post na ito. pramis. ako lang ang hindi. haha. matagal ko na ring hindi ginagawa ito, ang magsulat ng tungkol sa iyo. kung hindi nga lang nagparamdam sa Facebook itong lumang post from 5 years ago. haha. hindi na kita kukumustahin dahil alam ko namang okay ka, obvious naman sa mga post mo sa Instagram eh. gusto ko lang talaga isulat ito. pakiramdam ko kasi nahanap ko na yung kasiyahan na wala ka. matagal-tagal din ang inabot bago ko nahanap iyon. para bang na-outgrow ko na iyong yugto ng aking buhay na ikinulong ko sa mundong tayo ang gumawa at nag-gunaw noon.  medyo korni ito ha. lulubusin ko na kasi baka ito na ang huli. tsaka sabi naman nila, love is real when it’s baduy.

marahil hindi mo na naaalala iyang tinutukoy sa taas. 5 years ago, sa kalagitnaan ng pagka-stress ko sa trabaho, nagtext si Majo. sabi niya magkasama kayo sa bus at naghahanap ng pwedeng tambayan. tinanong ako ni Majo kung pwede sa bahay (apartment nina Lyka). napaka unusual nito noon dahil pagkatapos nung nangyari sa atin, nawalan na tayo ng komunikasyon. gulat na gulat na ako. syempre pumayag ako dahil gusto rin kita makita noon. di pa nakuntento itong si Majo at tumawag pa. naririnig pa kita sa background na kumakanta ng “Sometimes Love Just Ain’t Enough”. hahaha. fast forward sa pagdating ninyo, may bitbit ka pang apat na bote ng Tanduay Ice at isang balot ng sitsirya. kwentuhan nonstop. kain, inom, kwento. ayaw ko nang matapos ang gabing iyon. pero kung gaano ko pala iniwasan ang pagtatapos ng gabi ay siya namang kasiyahan ang dulot ng pagbungad ng araw. pinakagusto ko ang yugtong iyon na tinatamaan ng sinag ng araw ang iyong mukha habang mahimbing pang natutulog. iyon ang huling alaala mo sa aking isipan. malinaw na malinaw.

hindi na nasundan pa ang araw na yun. pero tingin ko, nakatulong yun sa akin. ngayon, kapag nagbabrowse ako sa IG at napapadaan sa mga photos mo, nakakangiti na ako. hehe. dati kasi hindi. punum-puno kasi ako ng panghihinayang eh. pero ngayon, masaya ako na masaya ka. masaya akong nagiging open ka na sa mga relationships mo di tulad noon na tingin mo ay huhusgahan ka ng mundo. kasi iyon naman ang nararapat sa iyo talaga, ang sumaya.

ilan na ba ang mga pusa mo ngayon? nadagdagan ka pa ba ng height? eh yung pamangkin mo kumusta na? o si mama mo? tumaas ba ang grado ng mga mata mo? buti ka  pa naeenjoy mo ang call center. sinubukan kong ipenetrate dati ang pagsagot sa tawag ng mga iritableng tao sa telepono at imemorize ang call flow pero hindi rin ako tumagal. hehe. hoy, kapag naman nakita mo ako ulit sa LRT o kaya sa megamall, tawagin mo naman ako. haha.

teka, paano ko ba ito tatapusin? haha. ayun lang. nagulat lang din ako na limang taon na pala. sa maniwala ka at sa hindi, may mga nagtatanong pa rin sa akin tungkol sa iyo. ewan ko ba? minsan napapaisip ako kung bakit kailangan pang itanong ang mga bagay na alam na rin naman ng tao ang sagot. kaya ako, hindi na siguro kita tatanungin kung kumusta ka na at kung masaya ka ba kasi alam ko na. hehe.

bigla ko tuloy naalala ang kantang ito ni Faith Hirro.

 

osya, hanggang dito na lang. masaya akong sabay tayong naglalakad, sa magkaibang direksyon nga lang.

 

May mga pagdalaw na walang paglisan: Ang tahimik na labi sa tasa ng kapeng iyong ininuman sa pinakahuli mong pagbisita… Pagkat ang lahat ng ito’y wala ng paglisan. Kahit pa muling dumalaw ang iyong yakap.

Nasubukan mo na bang mag-sangla ng pangarap?

ito ang nangyari sa akin kanina. pards, natatandaan mo yung kinuwento ko tungkol sa alok sa akin na bagong posisyon sa trabaho? doon sa bagong show? kung hindi, back read ka na lang. tumawag ulet kanina yung producer ko. tinanong ako kung may desisyon na raw ako sa alok nila. tapos binanggit din yung mga magiging consequences nitong alok na ito. nabanggit ko na rin sa lumang post ko na anuman ang mangyari o maging desisyon ko/nila, ayus na ayus na ako sa nakita nilang potensyal sa akin. hindi rin naman kasi biro iyong posisyon.

ganito kasi. sabi ng producer ko, bago raw ako maging Assistant Director ng bagong show, kailangang mag-resign ako sa istasyon. kumbaga kailangan ko maging freelancer habang ginagawa ang shoot. bale kailangan kong i-give up ang trabaho/kontrata ko ngayon (na sawang-sawa na ako) para ma-promote. parang ewan nga eh. risky daw kasi ang move na ito. walang assurance ang bagong show na ito kung tatagal sa ere o kung aabot man ng isang season. kung tatanggapin ko ang alok at hindi pumatok sa manonood at tsinugi kami, saan naman ako pupulutin pards? pero sabi naman ng producer ko, kung ganun man daw ang mangyari, pwede naman daw ulit ako mag-apply sa tv station na pinagtatrabahuhan ko. so balik sa application process mula pagpasa sa exam at interbyu hanggang medical at hanggang sa makapasok ulit sa ibat-ibang shows. iniisip ko pa  lang lahat iyon, napapakamot na ako ng ulo.

at tsaka nakwento ko na ba na ang proseso ng pagsweldo namin ay kapag umere na iyong tinrabaho mo. malamang nyan matagal mababakante ang ATM ko. hirap nun sa isang tulad ko na buwan-buwan nagbabayad ng renta at bills. para syang boksing sa pagitan ng pagiging praktikal versus happiness. malamang sasabihin ng majority ng kaibigan ko ay piliin ang happiness. sino ba namang tatanggi doon?

malamang may idea ka na kung ano ang isinagot ko sa producer ko. tumanggi ako. sabi ko, hindi ko na muna gagawin ang risky move na yun. sabi nya, ginagalang naman daw nya ang desisyon ko. okay din naman ako habang tinitimbang ang mga bagay-bagay sa sintido ko habang kausap ang producer ko. sabi ko na lang, kahit naman anong posisyon sa show ay tatanggapin ko. so kukunin na lang daw nila akong PA – Production Assistant. tulad pa rin ng dati.

kanina, ikinuwento ko na sa kapatid ko ito. ayaw ko kasi muna sa kanilang ikwento kasi for sure makakarating agad kay ermat kahit pagbawalan ko sila. ayokong madissapoint si ermat pag dumating na ako sa puntong umayaw ako. iyon na yata ang pinakamasakit na pakiramdam, ang madissapoint ang nanay mo. kalmado naman ako habang kinukwento sa kapatid ko. naghuhugas pa nga ako ng pinggan eh. yes, kuya duties pa rin. haha. tapos di ko na namalayang umiiyak na ako. hahaha. kainis. dali-dali akong pumunta sa banyo para hindi mahalata ng kapatid ko. napaka-slow reaction naman. haha. doon pa lang nag-sink in ang desisyong ginawa ko habang naghuhugas ng pinggan. haha. pero baka may subliminal message kasi yung tagpong iyon. baka hanggang doon na lang talaga ako. sa paghuhugas ng pinggan. na para ka lang sa mga maliliit na bagay.

pakiramdam ko isinangla ko ang pangarap ko kapalit ng pagiging praktikal at pananatili sa tinatawag nilang comfort zone. takot na takot akong mag-take ng risks. grabe rin talaga minsan ang mga desisyon na kailangan mong gawin sa buhay eh, ano? kailangan mo talagang manimbang. minsan kailangan natin ipakita kung anong puso mayroon tayo para sa sarili natin, pero madalas kapag sarili mo iniisip mo nakakalimutan naman natin ang puso para sa iba. sa kaparehong paraan na kapag ang puso mo ay nasa kapakanan ng iba minsan nakakalimutan mo ang puso mo para sa sarili mo. siguro nasa kanya-kanyang pagkatao rin. o siguro nasa pagkakataon. siguro tama ang una kong sinabi o tama rin siguro ang pangalawa. siguro dahil wala namang sigurado sa mundo. kung may isang tao man na hindi kailanman nagduda o nagbakasakali o nagdalawang isip sa desisyong ginawa niya, aba, ikaw na!

may isang bahagi sa akin na nagsasabing sayang naman. may isang bahagi rin na nagsasabing okay na yan. kung kilalang kilala mo ako, malamang iyong una ang sasabihin mo. ibig sabihin ba noon, hindi ko pa rin kilala ang sarili ko? baka.

pero sa ganitong pagkakataon talaga ng kalituhan, kakailanganin mo ang tulong ng iba. hindi na para tulungan kang manimbang kasi tapos na eh, may desisyon ka na nga eh. kakailanganin mo sila para mahingahan – malungkot man o masaya ang naging desisyon mo. sa kaso ko, naging hingahan ko ang kapatid ko at si Kriselle. at syempre kailangan mong kausapin ang unibers. at nakatulong din kanina ang tira-tirang buco salad flavored ice cream ng Selecta sa ref.

may panghihinayang pa rin naman. pero ayun na nga, sa ngayon, pakiramdam ko okay naman na ako. nakahinga na eh. olats pala yung luma kong post na sinabi kong anuman ang kahitnatnan, magiging okay ako. hahaha. pero sa totoo lang, nakakataba pa rin talaga ng puso ang makitaan ka ng potensyal sa bagay na pinaghihirapan mong abutin. tsaka sige na nga, sabihin na lang nating may natututunan tayo sa mga nangyayari sa buhay natin, kahit ang pinaka-panget pang sitwasyon.

eto na tayo sa rainbows. haha.

tama lang siguro yung title ng post na ito. isinangla ko muna pansamantala ang pangarap ko. pero babalikan ko iyon. kahit na malaki na ang interes. kukunin ko. tsaka yung drama ko kanina habang naghuhugas ng pinggan? na para lang ako sa maliliit na bagay? anumang bagay ay nag-uumpisa sa maliit. lahat nang malalaking mithiin ay nagsisimula sa maliit. kailangan mo lang nang malaking puso.

 

palakihan pa tayo ng puso eh!

Gaano nga ba kahalaga ang mura at maayos na pabahay sa point of view ng isang promding forevs na yata mangungupahan? Huhu.

lumaki ako sa paniniwalang mayroon kaming sariling bahay. lingid sa kaalaman kong ang kinagisnan kong tirahan noon sa Batangas ay pag-aari pala ng aking Lola Ason. bata pa rin naman ako noon kaya hindi ko pa masyadong pinagtutuunan ito ng pansin. tsaka wala naman kasing issue sa Lola ko kung doon kami nakatira pwera na lang sa Tiyo ko. at sino ba namang hindi masisiyahang tumira sa bahay ng isang Lolang hindi ka ginugutom at palaging may miryenda tuwing alas tres ng hapon.

 

maluwag ang bahay ng Lola. sa taas ako ng bahay natutulog kasama ang kapatid kong lalaki. gustung-gusto ko kapag umuulan. dinig na dinig sa bubong namin noon ang mga patak nito. musika sa tenga kumbaga. yari sa bato ang bahay ni Lola kaya tuwing may bagyo sa amin ang takbuhan ng mga kapitbahay na halos pinagtagpi-tagping dos-por-dos lang ang bahay at lawanit. (hindi ito exaggeration). sa madaling salita, kumportable kami noon. bonus pa na may terrace ang bahay na paborito naming spot na paglaruan. tanaw kasi nito ang maliit na palaisdaan sa gilid ng bahay.

 

panira lang ng trip ang Tiyo ko talaga. kapag nalalasing siya, issue sa kanya ang pagtira namin sa bahay na iyon at ang pakikihati ni erpat sa palaisdaan ng pamilya nila. kesyo dapat daw nasa kanya ang pamamahala noon dahil lehitimo siyang anak ni Lola. tsaka sa totoo lang, sinukuan na ni ermat ang madalas na pagliligalig ng Tiyo sa amin. Grade 5 na yata ako noong nagdesisyon sila ermat at erpat na bumukod kami.

 

dahil biglaan, walang wala kami noon. bukod sa palaisdaan ay pangingisda lang naman ang hanapbuhay ni erpat noon. anim na kaming magkakapatid nito. lahat nag-aaral. hindi malinaw sa akin ang mga detalye pero ang naaalala ko, nagpahiram ng pera ang kapatid ni erpat pampatayo ng bahay. malapit lang din naman ang lilipatan namin sa bahay ng Lola para kahit papaano’y may magbabantay sa kanya dahil matanda na siya. nagpatayo sina ermat noon ng isang maliit na kubo. yari sa kawayan ang sahig tapos pawid ang bubong. ito iyong tipikal na mga bahay sa probinsya.  o yung maaari mong makita sa mga palabas sa TV na susunugin ng kontrabida. hahaha. ayaw na ayaw kong tumira doon noong una. presko naman. pero ewan, bumaba ang tingin ko sa amin eh. isa itong pagkakamali ko noong kabataan. mababa ang tingin ko sa mga nakatira sa ganitong estilo ng bahay. para bang bahay na bato = mayaman at bahay kubo = mahirap. naiinis pa ako noon kapag may nakikisabay sa aking manood ng Meteor Garden na kapitbahay. marahil dulot iyon ng pagkasanay ko sa kumportableng buhay kasama ng Lola. mahirap naman talaga kami sa totoo lang. at lalo kong naramdaman iyon noong bumukod na kami ng bahay. kita mo nga, inutang pa ang pampagawa nang maliit na kubong iyon.

 

noong nag-kolehiyo ako, nakitira naman ako sa mga Tiyahin ko. nakisuyo si ermat na pansamantala lang habang naghahanap pa ng pwedeng upahan. pero sigurado na ako noon na magtatagal ako sa bahay na iyon kasi saan naman kami kukuha ng pambayad ng renta? malapit sa ilog Pasig ang bahay ni Tiya. dikit-dikit ang bahay. pwede mong masilip ang ulam ng kapitbahay sa mga siwang ng dingding at bintana. rinig mo rin kapag may nag-iinuman sa labas. kumportable naman ako. tsaka sino ba naman ako para magreklamo pa eh may nasisilungan ako na libre. tsaka sa totoo lang, dito sa komunidad na ito nabuhay ang pagmamahal ko sa mga maralita, sa poverty porn films, sa aktibismo, at marami pang iba.

 

pagdating ng 4th year college, nagkaroon kami nang hindi pagkakaunawaan ni Tiya. nagpaalam ako kay ermat na hahanap na lang ako nang bagong titirahan. nagtapang-tapangan kumbaga. akala ko kaya ko na noon eh. sabi ko pa, magtatrabaho na lang ako habang nag-aaral. pumayag naman si ermat. sino ba namang hihindi eh habang nanonood kami ng tv lahat nang sama-sama, bigla akong umiyak na humahagulhol. sabi ko, Nay, lilipat na lang ako ng bahay.

 

nagtrabaho ako sa call center. aral sa umaga, trabaho sa gabi. nakitira ako sa apartment ng kaibigan ko sa Pasig din. limang libo ang upa, hindi pa kasama ang tubig at kuryente. tatlo kaming naghahati-hati doon.  ito ang unang experience ko sa pagbabayad ng matutulugan. hirap na hirap akong pagsabayin ang trabaho at pag-aaral. hindi naman ako pwedeng magresign kasi baka sa tapat na lang ng 7/11 ako matulog kinabukasan. dito ko naranasan talaga ang hirap ng buhay sa Maynila. nandoon na ako sa tagpong pinapanood ko sa mga pelikula at teleserye. ako na iyong bidang mahirap na isang mintis lang sa pagbabayad ay sisipain palabas ng pinto tapos itatapon ng masungit na landlady ang mga gamit sa labas. kung ano lang ang madampot ng landlady, iyon lang ang pwede mong kunin. haha. so basically, hanger at damit lang iyon. diba ganoon sa mga teleserye. paano na yung kutson mo, o yung bentilador, o yung rice cooker? buti at hindi iyon nangyari sa akin.

 

fast  forward ng ilang buwan, lumipat ng kumpanya iyong mga kasama ko sa apartment. hindi ko naman kayang i-shoulder yung limang libo ano. noong naghahati-hati pa nga lang kami nahihirapan na ako. wala nga yata akong naipundar noon sa pagko-callcenter ko kundi ilang pirasong damit pang-opisina at coffee tumbler eh. pati pala briefs. so kailangan kong humanap nang malilipatan. buti na lang at sumaklolo iyong kaklase ko. nakitira ako sa kanila hanggang  sa maka-graduate. dalawang libo ang binabayaran ko, lahat na iyon. maliit lang ang bahay. apat kaming nagsisiksikan noon sa Tatalon. nagresign na rin ako sa call center dahil hindi ko na kinaya at hindi talaga iyon ang gusto kong gawin.

 

noong nagtatrabaho na ako, umalis na ako sa bahay ng kaklase ko. dito na nag-umpisa ang pakikipagsapalaran ko sa paghahanap nang murang bahay. iyong sasapat lang sa sweldo ko at magagawa ko pa ring magpadala kina ermat sa probinsya. sobrang hirap. kasama ko na rin sa Maynila noon ang mga kapatid kong nag-aaral ng kolehiyo. nakailang lipat kami noon. hindi kami tumatagal sa isang bahay dahil hindi ko kinakaya ang pagbayad ng renta. hindi pa rin naman ganoon kalaki ang sinusweldo ko. sa totoo lang, nauubos nga lang sweldo ko sa renta, tubig, kuryente, pagkain, at iba pang gastusin. palagi kong sinasabi sa mga kapatid ko na bawal na bawal ang magkasakit sa amin noon kasi wala talaga akong mailalabas mula sa bulsa ko.

 

ang una naming nirentahan ay isang apartment malapit sa PUP. 8,000 pesos ang renta, hindi pa kasama ang tubig at kuryente. may maingay pang aso sa kapitbahay. tapos lumipat kami sa mas maliit na apartment, 6,000 pesos naman ang renta. sobrang liit. studio type. medyo badtrip pa ang landlady dahil may sarili siyang computation ng dapat ibayad sa tubig. kaya nagdesisyon ulit kaming lumipat. nadagdagan pa kami ng miyembro ng pamilya kaya kailangan naming humanap nang mas malaki pang mauupahan. ito ang pinaka-sugal sa lahat. nagrenta kami ng apartment na 10,500 ang bayad. plus tubig at kuryente. sa sobrang mahal ng renta ay tatlong buwan lang yata kami tumagal doon. medyo mahal talaga ang mga bahay sa University belt. mas gusto kasi naming mas malapit sa paaralan ng mga kapatid ko para anut-anuman, wala man silang maging baon, pwedeng lakarin ang papunta sa school. kita mo nga, pambaon nga ng mga kapatid ko wala kami, pambayad pa kayang sampung libo buwan-buwan?

 

sa ngayon, nakatira kami sa isang bahay sa Altura. dinig ang busina ng tren. at may kapitbahay na masama ang ugali. nagbabayad kami ng 8,000 pesos. palagi kong bilin sa mga kapatid ko na magtipid. magtipid sa tubig, sa kuryente, sa baon, sa pagkain. mahirap kasi talaga ang buhay sa Maynila. kahit saan naman yata.

 

bakit ko ba kinukewento ang hanap-bahay journey ko? kung susumahin, buong buhay ko ay wala akong maituturing na sariling bahay. o kaming magkakapatid. bilang nakakatanda, nandoon ang pangamba na baka kinabukasan sa kalye na kami nakatira. buti nga at hindi pa iyon nangyayari dahil heto nga at naisusulat ko pa ito.

 

noong isang Linggo, napanood namin sa balita ang tungkol sa pag-okupa ng mga maralita sa mga nakatiwangwang na relocation sites sa Pandi, Bulacan. nalungkot ako dahil kailangan pa nating humantong sa ganito. kinailangan nang maglakas loob ang mga kababayan nating maralita at ilagay ang mga sarili nila at kanilang pamilya sa pagbabakasakali para pansinin ng gobyerno. kaya sinubukan ko munang ikwento ang dinanas ko para lamang makita mo kung gaano kahalagang may masilungan ka. hindi ako matalino, oo. hindi ko kayang ipaliwanag sa iyo ang mga teknikalidad ng isyung ito pero sa tingin ko, sa naranasan ko, sapat na iyon na patunay na mahirap magkaroon nang sarling bahay. pasalamat pa nga ako at kahit papaano’y may trabaho ako. paano sila?

 

nabasa ko nga sa Facebook, buti pa raw ang cellphone may housing, ang mga maralita WALA.

 

kung tinataasan mo ako ng kilay ngayon habang binabasa ito, marahil kumportable ka naman sa de-aircon mong kwarto. buti ka pa may kwarto. hindi sila magnanakaw. ang mga magnanakaw ay iyong ginagawang negosyo at pinagkakakitaan  ang serbisyong pabahay. sa akin ngang paniniwala, ang libreng pabahay ay karapatan ng mga maralitang  mamamayan sapagkat ang pondong ginamit sa pagpapatayo nito ay mula sa pera ng taumbayan.

 

sabi nila dapat daw may proseso. hindi ka pa ba aware na ang ilan sa mga prosesong tinatawag nilang dapat daw sundin ay kadalasan namang anti-poor at tanging status quo lang ang nananalo. hanggang kailan ba dapat maghintay?

 

naniniwala rin akong hindi lang naman ito issue ng panawagan ng maralita para sa pabahay eh. ito ay panawagan para sa basic services na dapat ay tinatamasa ng ating mamamayan. kumusta na ba ang libreng health services? o libreng edukasyon? o kabuhayan?

 

kaya sinusuportahan ko ang mga maralitang sumugod sa Pandi, Bulacan. iyon ay malinaw na pagpapakita ng organisadong pagkilos ng mamamayan para ipaglaban ang kanilang karapatan sa pabahay.

 

iyon na lang muna.

image

Sabi ng Ang Bandang Shirley. Na siya namang sinasabi ng puso ko. Keso. Hahaha.

Salamat Kriselle. Salamat Bud. Minsan nakakalimutan ko na kung bakit nga ba ako nandito at nagbabakasakali pero ikaw, ikaw ang nagpapaalala sa akin kung bakit. Salamat sa pagtitiwala sa mga pagkakataong nauupos na ako. At naliligaw. Salamat sa pag-akay.

Marami pa rin akong hindi sigurado sa mga ginagawa ko sa buhay ko. Pero sa isang bagay lang ako sigurado. Iyon ay ang pagkakaibigang mayroon tayo.

IYAKIN PO AQ.

 

TANGINA PARDS! NAIIYAK AKO. PERO MASAYANG UMIIYAK. AYAN OH NAGPAPAHID PA NG SIPON. HAHAHUHUHU. TANGINA AYAN NAKA-CAPSLOCK PA PARA MA-EMPHASIZE ANG KASIYAHAN.

PARDS KASI. KAKATAWAG LANG NG EXECUTIVE PRODUCER KO. INALOK AKO NG BAGONG SHOW. SYEMPRE DAHIL MATAGAL KO NA SILANG KATRABAHO, SABI KO GORA AKO. TANGINA PARDS, ITO NA NAGPAIYAK SA AKIN. INALOK AKO MAGING AD – ASSISTANT DIRECTOR NITONG BAGONG SHOW. TANGINA PARDS!!!!! HABANG KAUSAP KO YUNG PRODUCER KO, PANGARAP PANGARAP PANGARAP LANG ANG NASA ISIP KO.

PERO SYEMPRE MAY CATCH. WALA NAMANG MGA BAGAY NA IBINIBIGAY INSTANTLY. TIPONG PARANG ITINAPON KA SA SWIMMING POOL NGAYONG ARAW PARA SUMABAK SA OLYMPICS KINABUKASAN. PARANG SOP NG UNIBERS NA PAHIRAPAN KA MUNA BAGO MO MAENJOY ANG MGA BAGAY NA HINAHANGAD MO. so eto na nga. dahil sa technicalities ng kontrata ko sa kumpanya, maaaring hindi pa ito matuloy. kasi nga naka-kontrata akong production assistant. pero noong binabanggit na sa akin itong mga complexities na ito, tangina dedma na. hahaha. basta. sa isip ko talaga, kahit hindi matuloy, tuwang-tuwang akong na-consider ako ng team sa posisyon na iyon. huhuhu. iba kasi iyon. lalo pa sa sistema ng trabaho namin sa industriya. iba yun pards.

DIBA MAY MGA GANOONG PAGKAKATAON. YUNG TIPONG NA-SHORTLIST KA, OR NACONSIDER KA DOON SA ISANG BAGAY NA GUSTO AT PANGARAP MONG GAWIN. KESEHODANG MAY MGA BAGAY NA HAHADLANG. PERO SYEMPRE IBANG USAPAN PA RIN PAG IKAW NA TALAGA ANG NALAGAY DOON. LALO PANG NAGPALUNDAG-LUNDAG ANG PUSO KO NANG SABIHIN SA AKING DESISYON IYON NG BUONG TEAM. PINA-APPROVE PA RAW SA BOSS NG BOSS KO KUMBAGA. AT PUMAYAG SILA. SHET TANGINA.

KUNG HINDI MAN MATULOY, OKS LANG. GUSTO KO LANG TALAGA BALIKAN ITONG POST NA ITO PAG MINSANG PINANGHIHINAAN NA NAMAN AKO NG LOOB. PERO SANA, SANA, SANA.

SABI NGA NG BEN&BEN SA AKIN KAGABI,
“KAILANMA’Y HINDI MAIINTINDIHAN, BAKIT PILIT INAAGAW NG TADHANA ANG BUKAS NA DI MATANAW. KUNG ANG BUHAY AY BIYAHENG BALIKAN, BAKIT PAPUNTA PA LANG ITO’Y TUTULDUKAN”.

YUN NA MUNA. HUHUHU. IYAK PA RIN.